Thursday, October 18, 2012

Lutong Macau (A True to Lies Buhay Abroad Story)












"Anak mapapadala mo ba?"

"Daddy psp"

"Kuya check mo iphone4,mas mura daw dyan eh"



Napapangiti si carlos habang kausap ang pamilya.
Kahit papaano nababawasan ang pananabik at pagka-homesick nya kapag nakakausap ang mga ito.
Kahit sa videochat lang.


"Miss ko na kayo" pero hindi nya maisingit ang mga nais sabihin.

Sunod-sunod at sabay sabay ang pagsasalita ng mga ito.

Puro mga bilin.
Puro mga gustong bilhin.



"Anak gawan mo ng paraan ha,nakakahiya naman kung ako lang 'yung hindi makakasama sa ekskarsyon" halos naluluha
           ng pag-uulit ng ina nya. Pinalungkot pa ang mukhang alipin ng tsintsansu. Nagmukha tuloy
           itong kalamay na may nakabudbod na niyog sa ibabaw.


Kapag ganoong nag-iinarte na ang ina,hindi na nya magawang tumanggi pa.

Isa pa,ngayon lang sya bumabawi sa magulang.

Ngayon lang din naman ito nakakatikim ng konting kapritso.

Mula ng mawala ang kanilang tatay ay sinalong lahat ng ina nya ang mga obligasyon.



"Oho papadala ako,hanggang bukas na lang ba----- Daddy si classmate ko may psp na eh" itatanong pa nya sana
           sa ina kung hanggang bukas na lang yung bayaran sa pasosyalan ng barangay nila ngunit nakisabat
           na din ang kanyang anak.


"Isasabay ko na lang sa bertdey mo anak ha,yun na'ng pinaka-gift ko. Malapit na din naman di ba?"
          
"Kuya iphone ha,thanks" singit naman ng kapatid nya.


Sumeryoso ang mukha ni Carlos.

Nawalan na siya ng ganang ngumiti.


Sabik na sabik pa naman syang makita ang pamilya sa webcam.

Agad syang naglog-in ng itext sa kanya ng kapatid na kinabitan na sila ng internet sa bahay.

Sa wakas mapapakinabangan na din ang pinadala nyang laptop na pinag-ipunan nya ng dalawang buwan.
May ilang linggo din siyang nagtiis na hindi maghapunan,mabili lang ito.

Naaawa kasi siya sa ina,minsa'y inaabot ito ng hating-gabi sa computer shop pag nagchachat sila.

Rumerenta lang kasi ang mga ito sa internet cafe.

Isa pa mahina na'ng baga ng kanyang ina.

Isang oras lang sa air-con'y sinisipon na.

Nais nga nyang ipakonsulta sa espesyalita ang hindi gumagaling na ubo nito.





Barmen si Carlos sa Macau.

Tagatimpla at taga-serve ng kahit anong gustong inumin o kainin ng mga guest.

Sosyal na alila - de kurbata!!

Bayad ang bawat oras ng serbisyo.

Kasama na ang pilit na ngiti habang nagtratrabaho.



Magkakalahating taon na din siya sa abroad.

Pero hanggang ngayon hindi pa din siya nasasanay.

Madalas pa din'g kainin ng homesick ang kanyang sistema.

Walang oras o araw na hindi nya naisip ang pamilya.
Ang mga barkada niya..
Ang bahay nila..
Ang makipot na eskinita..
Ang tambayan..
Ang inuman..
Ang lahat-lahat na kanyang naiwan..


Noong nasa Pilipinas pa lang siya'y halos isumpa naman nya ito.

Ang trabaho nyang halos pangkaen lang sa araw-araw ang kayang ibigay,na minsan nga'y kinakapos pa.

Ang pamilya nyang makikitid ang utak.
Ang nanay nyang madakdak.
Ang kapatid nyang feeling perfect.


Ang anak nya..
Ang gastusin sa pag-aaral nito..
Ang gastusin sa bahay..
At ang sira nyang lovelife..


Ginusto nyang takasan ang lahat noon.
Kasama na ang Pilipinas at ang bulok na palakad nito.

Pero ngayong nasa abroad na siya.
Parang gusto na nyang bumalik,kung may pakpak lang siya ay kanina pa sya lumipad pauwe!



Gusto nyang yakapin ang pamilya o kahit makita man lang sa personal.
Gusto nyang batukan isa-isa ang naiwang mga kabarkada,tapos aayain nya ng inuman.
Hinahanap-hanap nya ang samahan nila ng mga tropa sa Pinas.
Hindi kasi siya gasinong nakikisalamuha sa ibang mga pinoy sa Macau,karamihan kasi ay mayayabang,lalo na ang
    may mga magagandang trabaho at matataas na sweldo.


Nakatakas siya sa problema ngunit naiwan ang kanyang kaluluwa.
Ramdam na ramdam nya ang kakulangan sa kanyang pagkatao.
Ngayon nya narerealize ang napakaraming mga bagay-bagay.
Mahal nya ang pamilya at ang kinamulatang bayan.
Ang mga ito ang totoong nakakapagpaligaya sa kanya!!



................

"Pre may extra ka ba dyan?" si carlos na'ng mabungaran nyang nagkakape sa lamesa ang kahati nya sa apartment na si
                 Von. Tulad nya'y barmen din ito,at sa iisang lugar sila nagtratrabaho,sa City of Dreams.


Restday nila ngayon..


"Aga mo mangutang ah!!" sagot nito habang hinihipan ang hawak-hawak na tasa ng kape.


"Kelangan kasi sa bahay" ..


"HA??!! Kakapadala mo lang ah!! Baka akala ng pamilya mo eh napupulot lang naten ang kwarta dito!!"  hindi makapaniwalang
                   komento nito.


"Wala naman silang inaasahan kundi ako" matabang na sagot ni Carlos.


"Yun na nga eh pre,wag mo silang pamihasain! Sensya pre,pero nagpadala na ako sa bahay,tinatapos ko pang bayaran
     yung jip ni bayaw. Pag-uwe ko'y mamamasada na lang ako" paliwanag nito kay carlos.


"Hindi pre,ok lang nauunawaan ko" malungkot na tugon ni Carlos sa nag-iisang kaibigan sa Macau.


"Patusin mo na kasi si Rhea,na'ng may magatasan ka!!" nakangising mungkahi ni Von kay carlos.


"ULOL!! May asawa't anak yun sa Pilipinas" sigaw ni Carlos sa kaibigan.


"Oy nga pala sama ka ba sa'ken mamaya?" si von ulet.

"Saan,sa venetian na naman? Sus,kaw na lang peram na lang ulit ng laptop mo ha. Nagtext sila inay,magchachat
      kame. Alam nilang wala akong pasok ngayon eh" pagdadahilan ni Carlos sa kaibigan. Pero ang totoo'y wala na
      siyang pera. Pinadala nyang lahat sa pamilya sa Pilipinas.




.............


Nakatitig si carlos sa laptop..

Mag-iisang oras na din'g nakaalis si Von.

Sa lahat ng mga araw,ang pinaka-ayaw nya ay ang araw na wala siyang pasok sa trabaho.

Kung kay Von at sa mahigit labintatlong libong pilipino na nagtratrabaho sa Macau ay kapahingahan ang pinapangako ng araw na ito,
  sa kanya ay ang kabaligtaran. Madalas ay siya lang ang naiiwan sa apartment nila. Imbes na ipang-gimik kasi
   ay itinatabi na lang niya ang pera. Sayang din,ipapadala na lang sa Pinas. Madalas nga siyang mabulyawan ni
    Von,masyado daw nyang tinitipid ang kanyang sarili.

Sa mga oras na ito,si Von at ang madami pang pinoy ay may kanya-kanyang bagay na pinagkakalibangan.

"Isang araw ka lang mawawalan ng trabaho sa isang linggo. Hindi naman masamang bigyan mo ng konting luho ang katawan
     mo" ang madalas na idahilan ni Von sa kanya, pag inuusisa nya na hindi ba nagsasawa sa pagswiswimming sa
     Venetian. "Kesa naman sa San Malo,puro problemadong pinoy lang din ang makikita ko dun eh,saka sa putol
     na simbahan,sus!!" idadagdag pa nito.




Naiisip na naman nya ang pamilya sa Pilipinas.

Homesick na homesick na naman siya.


Kamusta na kaya si Drew,ang anak niya.
Maalam na itong bumasa at sumulat noong umalis siya,ang bilis nitong lumaki.
Hindi na siya magugulat pag-uwe nya'y meron na siyang binata.
Nakamana sa kanya ng taas,malaking bulas nga daw sabi ng kanyang ina.

Naisip din nya ang mommy nito,asan na kaya si Herlene? Ang kanyang unang pag-ibig.
Ang una at ang huli!!
Maglilimang taon na din mula ng sila ay maghiwalay,
at hanggang ngayon hindi pa din malinaw sa kanya ang dahilan ng paghingi nito ng espasyo.


"Si inay kaya"...
"kamusta na kaya sila dun?"



Ang dami nyang plano at pangarap para sa pamilya.
Nais din niya sanang ipaayos ang kanilang bahay. Tumutulo na ang bubong sa kusina tuwing umuulan.
Ang puting tiles na binili nya ay nangingitim na sa pagkakaistak,hindi mapakabit-kabit.

Kung tutuusin ay malaki-laki din naman ang ginagana nya sa trabaho.
Pero naging maluho ang kanyang pamilya mula ng makapag-abroad sya!
Ang ina nya'y ayaw ng magsuot ng ukay-ukay,linggo-linggong may bagong damit.
Dinaig pa siya na ang tanging bagong panuot ay ang unipormeng pangtrabaho.

Ang kanyang kapatid na babae ay ganoon din. Panay ang bilin nito ng mamahaling gadgets.
Hindi nga ito natuwa sa iniregalo nyang nokia phone,laos na daw yun at ngayon nga'y hinihiritan sya ng iphone.


Tama si Von..
Pinamihasa nya ang pamilya..
Pasan-pasan nya ngayon ang krus na sya din mismo ang lumikha.
Ninais nya lang namang bigyan ng kaligayahan ang mga ito,mga bagay na hindi nila natikman noon.
Pero mali pala.

Ngayo'y problemado siya..

"Saan ako kukuha ng pera? Kelangan na nga pala ni Inay bukas" ...........



Sumindi ang ilaw ng laptop ng buhayin nya ito.
Sumunod naman sa giya ng kanyang kamay ang mouse.



"Inay pasensya na kayo,hindi ko yata maipapadala bukas. Nakapangako ako kasi akala ko'y makakahiram ako sa kasama
        ko dito. Kung may mauutangan ho kayo dyan edi mangutang muna kayo't babayaran ko na lang sa susunod
                   ko'ng padala. Bunso 'yung psp mo eh sa bertdey mo pramis,sensya ka na kay daddy ha.
                            . I love you anak. Jing 'oo mura nga dito ang iphone,kaso sa sunod na sweldo
                                    ko na lang,  ok lang ba? unahin muna naten ang mga gastusin sa bahay.
                                           Oh ingat kayo dyan ha,pasensya na talaga kayo saken.

                                                                         Miss ko na kayo!!"








......................




Nakatitig si Von sa laptop..

Hindi nya naiwasang mapaiyak habang binabasa ang hindi na naisend na email..


“neih sīkm̀hsīk góng gwóngdùngwá a" na nagpalingon sa kanya,kinakausap na pala siya ng mga pulis.

"ngóh sìk góng síusíu a" maikling tugon niya.

"Ok we'll just call you for more questions sir,thank you!"

At hinatid na lang nya ng tingin ang ambulansyang kinalalagyan ng bangkay ng nagbigting si Carlos.



No comments:

Post a Comment